Pages

Friday, October 28, 2011

Tara na sa Baguio...

Bukas na ang Lomo Paraiso sa Baguio. Pagtitipon ng mga taong nagkatagpo-tagpo lamang sa Internet sa grupong lomomanila, mga analog film lovers. Baguhan pa lang akong miyembro sa grupong ito, unang pagkakataon kong makita ang aking mga kagrupo. Nagbigay din sila ng pagkakataon na makasali sa photo exhibit ang mga baguhang gaya ko.

Bukas ko pa siguro maiipost dito sa blog ang aking mga isinali, sa ngayon, heto muna ang mga pinagtripan kong gawin noong mga nakaraang buwan:

red shoes

Ang pulang sapatos ng isang ate. Ang totoo ang gusto kong kunan ay 'yung bata, pero hindi ko alam kung anong bahagi ng nasa viewfinder ang mapupunta sa film na bitin, kaya ayan, yung red shoes na lang ni ate ang bida.

at the rublou marketplace

Kalangitan at mga payong. Mga pangdekorasyong baligtad na payong, sa mini-mall hehehe sa Brookside, Cainta. Masayang pumunta rito, lalo na ang pagkain ng burgers sa Burger Joint.

Gamit ang Diana F+ camera. Gumagamit ito ng 120 film, mas malaki sa 35 mm film. Pero pinagtyagaan ni j-pox butingtingin upang tumanggap ito ng 35 mm, kaya't heto ang kinalabasan.
Sakop ang buong negative, kasama ang mga sprockets nito.

Isang maayang araw sa inyo. Excited na kong kunan ang mga pangyayari bukas.

PEACE

Wednesday, October 26, 2011

Kasal atbp.

Nung nakaraang taon, nakapunta ako sa tatlong kasalan. Ngayon naman bago matapos ang taon, puro binyagan naman.

Hindi ako mahilig pumunta sa mga pagtitipong ito nung kuting pa lang ako. Nahihilo kasi ako kapag maraming tao at nababagot sa mga mahahabang sermon, napapagod sa kakatayo. Pakiramdam ko lahat ng tao ang tatangkad, baka maapakan at mabunggo lang nila ang kuting na kagaya ko.

Pero ngayong tandercats na ko, nahilig sa pagkodak-kodak ng mga tao, mga ganitong pagtitipon naman ang inaabangan ko. Sa mga mahalagang okasyon lang kasi hindi parang pampam magpaka-potograpo. Saka maraming tao ngayon ang praning ma-picturan ng walang dahilan. Isipin pa nila ini-stalk mo sila. Gayunpaman, heto ang mga ilang paborito kong kuha. (Lahat ay kuha gamit ang mga iba-ibang film camera.)

000012

Sabi ni j-pox, naging pang Corpse Bride daw ang dating ng mga kuha ko sa kasal na ito, gaya ng ng nasa taas. Slide film na xpro, kaya imbes na matingkad na kulay, naging may tint ng berde ang kinalabasan.

Heto pa ang iba.



Kumukuha rin ako ng mga larawan ng mga bagay na nasa paligid ng venue. Masyadong abala ang mga tao kapag may handaan, kaya medyo safe na gumalo at kumodak ng kumodak ang isang kagaya ko na hindi masyadong gustong bumeso-beso at makipagkilala sa mga bisita.

000035

Gusto kong ayusin ang mga files ko ng larawan. At gawan sila ng mga maayos na folder, hindi yung diretso mula scanner na numerong file names at folder. Tapos gagawan ko ng maayos na description, 'yung ginamit na camera, film, settings, atbp.

Kinakabahan ako kasi ilang araw na lang, unang pampublikong exhibit ang sasalihan ko. Bukas 'yun sa kahit sino, grupo ng lomomanila ang may pakana, basta sali ko dun sa pinost nila sa fb. Excited na ko pumunta sa Baguio para sa event, wala pa nga kong kilala dun kundi si j-pox kasi pareho ang trip namin na kumuha ng larawan gamit ang film. Kailangan ko pang pumili ng isasaling larawan. Basta ang gusto ko lang naman may makasalamuhang ibang tao bukod sa aming dalawa ni j-pox na gamit din ang film sa pag-picture. Saka siyempre, photo ops ang pagtitipong 'yun, sa Baguio pa, kaya talagang puro daydream ako madalas ng mga dapat gawin kapag break time sa nalalapit na Sabado.

Pakiramdam ko kakasubsob ko sa trabaho, hindi na ko marunong makisalamuha sa ibang tao. Kaya nga kahit pagod, tuloy ko pa rin mag-post sa blog. Kahit papano, naaalala ko na meron pa ring ibang bahagi ang buhay ko bukod sa trabaho.

PEACE

Tuesday, October 25, 2011

Muni-muni 3

Nakakatuwa kasi ang daming masipag mag-blog pa rin hanggang ngayon. Mas lalong nakakatuwa dahil may mga nahanap akong mga nakakaaliw magsulat, nariyan sa bandang kanan ang mga kabasa-basang blogs na tinutukoy ko. Mga kwentong buhay, karanasan at mga kuro-kuro. Marami pa kong kakaining bigas para maisulat ng mayos ang aking mga hinagap gaya nila. Ang gulo kasi ng utak ko, haluan pa ng katamaran, sa pamagat pa lang ng post kitang-kita ang katamaran ko, Part 3 na ko sa muni-muni series, hindi naman talaga sadyang magkakaugnay, basta kung ano lang pumasok sa isip ko, ayan muni-muni na.

Dapat natutulog na ko, marami pa kong dapat gawin. Tapos may sakit ako na natutulala, kaya ayan ang productivity level zero.

Gusto ko lang sulatin na ito na naman ang panahong nawawala ako sa sarili ko. (Binura ko yung ibang namakinilya ko, too much information, bordering on whining/ranting) Anyways...

Balik sa blogs na binabasa ko. Masarap isipin na may mga taong astig na may boses sa ka-internetan. Masarap makabasa ng mga bagay na nakakarelate ka. Minsan kasi dinidibdib ng mga tao kung ano mang kabadtripan na naranasan nila, nagpapaka-Atlas-pasan-ko-ang-daigdig-mode, nalulunod na lamang sa kabadtripan. Sa akin ang solusyon ko, hanap ng ibang tao na iba ang perspektibo sa mundo. May ibang karanasan, may ibang boses. Kahit hindi mo pansin, makakatulog 'yun para magkaroon ng mas positibong pananaw, pampagaan ng dalahin.

Muntik na kong matalo ng kabadtripan ngayong araw na 'to, dala ng mga iba-ibang pangyayaring nakakabadtrip sa loob at labas ng bahay. Pero ayoko magpatalo. Gusto kong maging ganap na astig. Dati kalo ko astig ako, lalabanan ko ng alak ang lahat. Hindi ko alam pano ako nakapag-function sa lipunan na parang dextrose na ang alak sa dugo ko. Pero ako rin yung talo, kasi nasira ang kalusugan ko. Marami na kong hindi magawa gaya ng dati. Hindi naman ako nagka-cancer pero muntik ng magkaroon ng liver cirrhosis at kung anu-ano. Tinanggal na rin ang apdo ko. Hindi na rin ako maliksi gaya ng dati. May kung ano-ano akong nararamdaman kung mali ang nakain ko, atbp, atbp, atbp.

Kahit ganunpaman ang nangyari, hindi ko masisi ng husto si alak. Ako kasi nagdesisyon nun noon. Hindi naman niya sinabing abusuhin ko siya pero ginawa ko. At dahil dun, marami akong natutunan. Sa sunod ko na lang isulat, kapag sinipag ako ng husto.

Ito muna ang photo of the day ko.
Hindi ako relihiyosa. Pero nagpupunta ng simbahan. Magulong ipaliwanag. Ang kuha kong ito ay isa sa mga bagay na nakaka-fascinate sa simbahan. Nakita ko kasi ang kung anong dalahin nila ay inaasang mawala sa paghipo/pagpunas sa poong may pasan. Tapos ang isang bata lamang ang tila walang bumabagabag at nakuhang tumingin sa pali-paligid niya, ayan nakita niya ko, parang stalker. Klik.

PEACE

Monday, October 24, 2011

some fb stuff


Nakakatawa lang na yung mga taong galit na galit sa mga pagbabagong ginawa ng fb ay siyang mga numero unong flooders ngayon. Dahil sa bagong format ng fb, marami ng mala-myspace/friendster na pang paubos oras posts ngayon, gaya nito:O di ba, marami na uling pagkakaabalahan ang mga tao. Gaya nito, ang sabi na ang unang apat na salitang makita mo sa imahe ay mga bagay na patungkol sa sarili mo. Iba-iba ang unang nakikita ng lahat. Sa akin, ang una kong nakita ay passionate, charming, sincere at dramatic. Parang tama ang 3 out of 4, yung charming kasi hindi ako sigurado, baka may subconscious delusion lang ako na ituring ang sarili ko na charming.

Ikaw, ano ang unang apat na salitang nakita mo?

(Pasensya na po kung hindi ko mabigyan ng acknowledgment ang taong orihinal na gumawa ng imahe, kumalat na lang ito dahil sa tumblr/fb)

Friday, October 21, 2011

Muni-muni 2

Ang personality ko ayon sa mga iba-ibang pagsusulit sa internet ay INFJ (Introvert, Intuitive, Feeling, Judging) o INFP (kapareho sa 3 letra + Perceiving). Counselor o Healer. Counselor/Healer. Counselor-Healer. Teka, yung Feeling hindi ibig sabihin feelingera, sa pagkakaintindi ko ibig sabihin nito maramdamin, ayaw makasakit ng damdamin at nagpapadala sa bugso ng damdamin.

Maraming kung ano-anong paliwanag sila dok ukol sa mga personality. Subukan niyong kumuha ng simpleng bersyon ng Jung/Briggs-Meyer personality test dito. Basahin ang mga resulta at tignan kung tama nga sila dok sa'yo. Para sa akin, medyo tama ang mga basa nila dok. At sa dinami-rami ng mga deskripsyon sa personalidad ko, ang pinakatumatak sa akin ay ang uri daw ng personalidad ko ay ang unang tinatanggal sa trabaho kung merong downsizing na kinakailangan. eeeep!

Mga agam-agam.

Sunday, October 16, 2011

Bonsai

Nagtitingin ako sa mga lumang kuha ko, nahanap ko ang mga larawan nu'ng Marso pa kinunan yata, sa isang exhibit ng mga world-class bonsai. Nakakabilib ang kakayahan ng mga eksperto sa pagbobonsai. Japan ang pinagmulan ng sining ng paggawa ng bonsai, talagang may ugali silang gawing cute ang mga naglalakihang bagay gaya ng mga puno.

Hulaan niyo kung anong lahi ng puno ang mga ginawang bonsai sa sumusunod. :) Karamihan sa mga punong ito ay hindi bababa sa edad na 50.
a

e

May bisitang tagapagsalita na galing pa sa Tsina na tumatalakay at nagtuturo kung paano ang paggawa ng bonsai. Sa pagkakaalala ko, merong translator ang ginoong tagapagsalita.
f

Ayan, diyan sa lugar na 'yan ang exhibit. Sa walkway nakahilera ang mga halaman. Kahit isa sila sa mga malalaking kapitalista, mabuti naman nakakaisip sila ng mga ganitong exhibit para sa mga taong gaya ko na napapadaan lang sa mall dahil daanan talaga siya.
b

Lahat ng larawan ay kuha gamit ang point-and-shoot Kodac EC, Kodak Ultramax Color ISO 400. Hindi kayang patayin ang flash, kaya halos lahat ng kuha ay may mga bahaging overexposed. Ito ay unang gamit ko sa camera, naaliw ako dahil merong slight vignette sa ilang kuha.

PEACE


Monday, October 10, 2011

Broke but happy Sunday

We didn't have cash so we bummed at Pao's family's house for food and entertainment this weekend. Translation: walang pera at tambay sa bahay.

Hindi naman masama, kasi matagal na rin na hindi ko sila nakausap. Masaya silang kausap, masarap pa silang magluto. Sa akin kasi kahit anong gulay masarap sa akin. Lalo na kapag munggo na may dahon-dahon.

Nilaro ko si Puppy Rich na ngayon ay medyo malaki na.


Inilakad ni Pao ang isa sa mga aso nila.

At naglaro ng bubbles, kasi, wala lang, cute ang bubbles.


Pwedeng maging masaya sa mga simpleng bagay. :)
PEACE

Friday, October 7, 2011

Muni-muni

Maraming mga bagay na maaring stressor na sa isang tao, sa iba naman hindi. Depende sa perspektibo mo. Nung bata-bata pa ako, kadalasan isinisiwalat ko kagad lahat ng ayaw ko at bumabagabag sa akin. Natutunan ko sa paglipas ng panahon na mangilan-ngilang tao lamang ang tunay na makakaintindi nito.

Pero minsan, hindi mo pa rin ganap maipahayag ito. Mabuti na lang may mga bagay na pagkakaabalahan para hindi yaon bumagabag ng husto.

Masarap isiping ang buhay ay laging may mga nakakatuwang sorpresa. Ano pa mang anyo ng ulap, bughaw pa rin ang kalangitan.


Gayunpaman, may mga bagay na mahirap sipatin. Hindi mo malaman kung bakit ba talaga nangyayari o bakit sadyang hindi maintindihan.


Sa puntong naintindihan mo na, mahirap pa rin tanggapin. Kahit alam mong may susuporta at nagmamahal sa'yo, may mga bagay pa rin na mahirap dalahin.


Alam mo namang titigil din naman ang ulan, hindi naman pwedeng maaraw lagi ang buhay.


Kahit may biyayang bigay ang bawa't pag-ulan at pag-araw, mararanasan mo 'to pero alam mong hindi habambuhay.


May katapusan ang lahat.


Lilipas ang panahon.

Didilim muli ang buhay. Pero ang mahalaga, sisikat muli ang araw.


PEACE

Thursday, October 6, 2011

Cosplay 2

sa SMX MOA naman ito, noong October 2.

Umuulan nung araw na ito, Linggo, paalis ng bansa si bagyong Quiel. Pero maaraw pa habang nasa biyahe kami papuntang MOA. Nalalayuan ako kapag lumampas na sa Crossing EDSA Central (iba na yata ang tawag sa lugar na 'to, Greenfields?) ang biyahe ko mula Rizal. Pero sayang naman ang pagkakataon, the best cosplay show daw ito ngayong taon. Inaasahan kong maraming dadalo na magagaling mag-cosplay. Kakaiba rin kasi ang tuwa na makita ang mga paboritong anime characters na talagang naglalakad bilang totoong tao.

Napaalala sa amin na malaki ang MOA at kung anu-anong bagay ang pwedeng makita. Kahit maaga kaming nakarating, nakapila kami sa entrance ng SMX bandang 11:30 am na. Ang haba ng pila, matagal at mabusisi kasi ang inspeksyon ng mga gwardiya sa bitbit ng mga taong bagahe. Nakalagay sa paskil nila, bawal ang mga bolpen at mga kahalintulad na matutulis na bagay. Natawa kami ni Pao, eh ang andami kayang mga sandata gaya ng katana, palaso, atbp., na dala ng mga cosplayers. Idagdag pa ang mga mabibigat na props na kapag isinapak sa'yo, kahit hindi mo man ikamatay, ay masakit pa rin.

Pero 'yun na nga isang damukal na bolpen at lapis ang itinatambak nina manong guard sa kahon, galing sa mga bag ng mga dumadalo. Pati yosi sa bag ni Pao eh kinumpiska, bawal daw ang yosi sa loob, wala naman nakalagay sa paskil nila 'yun. Pero sige na nga, palampasin. Masayang araw ito. Laruan na tinda, cosplayers, japanese food, anime showing, 'yun ang mga inasahan ko.

Basta, ang masasabi ko lang, sa sunod na taon, sisiguraduhin kong makakadalo ako sa ToyCon. ;)

Ito na nga muna, pictures. Sa sunod na 'yung iba, kulang pa ko ng 1 roll ng film.

Domo-kun. Makikita niyo ang mga produktong wangis ni Domo-kun sa mga tindahan ng kakyutan na naglipana sa mga mall at tiangge.

Kuha ni Pao sa kanyang digicam.

Hindi ko siya sinasaktan, masaya talaga ako. Totoong masaya, hirap lang niya yakapin. Parang pwede niya kong kainin.

Eto na naman, si Cardboard Box Man. Ang totoo hindi ko sila kilala. Marami na akong hindi alam sa mga kaugnay sa anime, tumatanda na nga ako. Pero siya ang paborito ko.

Kuha uli ni Pao.

Uulitin ko hindi ko siya sinasaktan. Naawa nga ko sa itsura niya sa larawan, para kong inapi. Gusto ko lang parang nakaakbay/yakap sa kamay niya. Siya ang isa sa pinakanakakatuwa sa event.

Sa sunod na uli 'yung ibang larawan.

PEACE

Tuesday, October 4, 2011

Tigil Pasada, a transport strike

Noong Setyembre 19, nagkaroon ng tigil pasada ng mga jeep. Buti na lang mga FX hindi sumama, kung hindi, hindi kami makakarating sa Cubao mula Antipolo. Ang luwag ng kalsada ng Marcos Hi-way ng bandang mga 10 am, kahit rush hour dapat n'un. Nagsikip na lang sa bandang kanto ng Anonas at Aurora. Pagbaba namin narinig namin ang boses ng mga aktibistang kinokondena ang pagtaas ng presyo ng langis. Maraming pulis na pustura at parang bagong almirol ang uniporme, nakaabang kung sakaling may kaguluhang magaganap.

Kahit pa may tigil pasada, may iba pa ring jeep ang hindi sumali. Sinisigawan sila dahil parang walang pakisama, eh para naman sa ikakabuti nila ang ganoong rali. Bawat panig ay may punto. Ang isang panig, sakripisyo muna ng kita para sa pagbabago, ang kabila naman, pano na ang kita para sa pamilya. Sabi ko na sa inyo madali akong maapektuhan, nakakapukaw isip ang ganitong uri ng pakikipaglaban.

tigil-pasada
Kuha gamit ang Yashica FX-D, redscale film, 1/125, f/8, 75 mm zoom lens

Nasa kabilang panig kami ng Aurora Boulevard. Mas tanaw ko ang mga miyembro ng media na kumokober ng kakarampot na bilang ng mga aktibistang nagnanais ng pagbabago.

PEACE

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...