Pages

Showing posts with label photographs. Show all posts
Showing posts with label photographs. Show all posts

Friday, October 28, 2011

Tara na sa Baguio...

Bukas na ang Lomo Paraiso sa Baguio. Pagtitipon ng mga taong nagkatagpo-tagpo lamang sa Internet sa grupong lomomanila, mga analog film lovers. Baguhan pa lang akong miyembro sa grupong ito, unang pagkakataon kong makita ang aking mga kagrupo. Nagbigay din sila ng pagkakataon na makasali sa photo exhibit ang mga baguhang gaya ko.

Bukas ko pa siguro maiipost dito sa blog ang aking mga isinali, sa ngayon, heto muna ang mga pinagtripan kong gawin noong mga nakaraang buwan:

red shoes

Ang pulang sapatos ng isang ate. Ang totoo ang gusto kong kunan ay 'yung bata, pero hindi ko alam kung anong bahagi ng nasa viewfinder ang mapupunta sa film na bitin, kaya ayan, yung red shoes na lang ni ate ang bida.

at the rublou marketplace

Kalangitan at mga payong. Mga pangdekorasyong baligtad na payong, sa mini-mall hehehe sa Brookside, Cainta. Masayang pumunta rito, lalo na ang pagkain ng burgers sa Burger Joint.

Gamit ang Diana F+ camera. Gumagamit ito ng 120 film, mas malaki sa 35 mm film. Pero pinagtyagaan ni j-pox butingtingin upang tumanggap ito ng 35 mm, kaya't heto ang kinalabasan.
Sakop ang buong negative, kasama ang mga sprockets nito.

Isang maayang araw sa inyo. Excited na kong kunan ang mga pangyayari bukas.

PEACE

Sunday, October 16, 2011

Bonsai

Nagtitingin ako sa mga lumang kuha ko, nahanap ko ang mga larawan nu'ng Marso pa kinunan yata, sa isang exhibit ng mga world-class bonsai. Nakakabilib ang kakayahan ng mga eksperto sa pagbobonsai. Japan ang pinagmulan ng sining ng paggawa ng bonsai, talagang may ugali silang gawing cute ang mga naglalakihang bagay gaya ng mga puno.

Hulaan niyo kung anong lahi ng puno ang mga ginawang bonsai sa sumusunod. :) Karamihan sa mga punong ito ay hindi bababa sa edad na 50.
a

e

May bisitang tagapagsalita na galing pa sa Tsina na tumatalakay at nagtuturo kung paano ang paggawa ng bonsai. Sa pagkakaalala ko, merong translator ang ginoong tagapagsalita.
f

Ayan, diyan sa lugar na 'yan ang exhibit. Sa walkway nakahilera ang mga halaman. Kahit isa sila sa mga malalaking kapitalista, mabuti naman nakakaisip sila ng mga ganitong exhibit para sa mga taong gaya ko na napapadaan lang sa mall dahil daanan talaga siya.
b

Lahat ng larawan ay kuha gamit ang point-and-shoot Kodac EC, Kodak Ultramax Color ISO 400. Hindi kayang patayin ang flash, kaya halos lahat ng kuha ay may mga bahaging overexposed. Ito ay unang gamit ko sa camera, naaliw ako dahil merong slight vignette sa ilang kuha.

PEACE


Friday, September 23, 2011

Low tech

Noon, wala pang digital (meron pero pang-super yaman lang), gusto ko bumili ng SLR na Nikon o kaya kahit Pentax. Pero ang mahal. Estudyante pa ko nun, tapos ang gamit ko ay point-and-shoot na manual Vivitar camera, 'yung pagkatapos ng bawat kuha may iniikot para sumulong yung film. Tapos iikot mo uli para i-rewind. Pinakamura kasi ang Vivitar noon, mas mura pa kesa sa sikat na Kodak KB10 na si Richard Gomez pa yata ang endorser, budget camera ng Kodak. Circa 1997 or '98 yata 'yun. Ang camera ko, 'yung mas mura pa sa mura. Ginamit ko siya sa lahat ng projects ko. Siyempre hindi lahat ng kuha ko ay malinaw at maliwanag.

Ngayon, may DSLR na, wala pa rin akong pambili ng makabagong camera. Pero nakabili na ako ng film SLR sa Quiapo ngayong taon, panalo 2k lang, Yashica FX-D, hindi pa rin Nikon. Kung gusto mong makakita ng Yashica na SLR, pumunta ka sa plaza ng simbahan niyo o kaya sa Luneta, yung gamit ng mga manong na photographer na nangungulit kung gusto mong magpa-picture, Yashica 'yun.

Kapag nakakakita ako ng mga estudyante ngayon na may camphone na nga, may ipod pa, may DSLR pa, may laptop na may webcam pa, sa loob ko, natutuwa ako para sa kanila. Hindi nila dinanas ang hirap na may mga project na kailangan ng larawan at pumila pa sa padevelopan para lang makitang mas maraming madilim na picture kesa sa mga pwedeng magamit para sa project. Ang layo na ng narating ng teknolohiya, mas maraming tao na ang pwedeng gumamit nito.

Pero mas nakakaaliw ay ang malamang hindi pa pala patay ang analog. Hindi pa patay ang film. At ang pinakanakakatuwa, may grupo ng mga taong seryosong kumukuha ng larawan gamit ang toy cameras, basta yun ay mga plastic na point and shoot cams.

Lo-fi rocks!(Parang metal, buhay pa rin kahit mas marami nang hip-hop hehehe.)

llcrop9996
(gamit ay redscale expired film)

Dito na naman papasok ang aking bagong mantra pagdating sa potograpiya na, "The best camera, is the one with you." Nabanggit ko na ito sa naunang post. Kung wala man akong astig na DSLR, ('yung sobrang high-tech, lahat ng pores mo kuha na sa larawan), pwede pa rin kumuha magpaka-potograpo. Parang 'yung salawikaing, kung maiksi ang kumot matutong mamaluktot o 'yung maghangad ng kagitna sansalop ang mawawala. Lumalayo na yata.

glass blocks
(gamit ay ipod touch, simpleng pattern ang paksa para di halatang mababa sa pixels)

Ang camera ay isa lamang bagay na ginagamit upang kumuha ng larawan, na sa tingin mo ay papahalagahan mo. Parang instant painting. Sa kasaysayan, ang mga pinakaunang nagsulong ng paglikha ng camera ay isang pintor mismo. Kapag nakakakita ako ng magandang larawan, minsan nagpa-palpitate ako, parang nung unang nakita ko ang Spoliarium sa field trip namin nung elementarya. Seryoso.

(Wala pa sa level nina Luna. Kuha gamit ang ipod)

Masasabi ko na ang buhay ko ay isang mahabang paglalakbay sa paghahanap ng kabuluhan at paghahabol dun sa damdaming nararamdaman ko kapag nasa harap ko ang isang magandang likhang sining. Wala akong pakialam kung may magsabing ang pangit ng gawa ko. Sabihin ko pa rin salamat, subukan kong galingan sa sunod. Pero siyempre masaya ako pag may natutuwa sa gawa ko, parang si Cooking Master Boy sa anime, nagluluto siya para may sumaya at mabusog, hindi lang para sabihing Master Chef siya. Sa ngayon, napapasiya ko pa lang ay ang sarili ko at mangilan-ngilang tao.

flower girl power smile
(inaanak na game mag-model. 35 mm film sa 120 ng Diana F+)

Kaya kahit mapa-high tech o low tech ang gamit, para sa akin, mas mahalaga ay ang damdamin. Kung ginagamit mo ang camera para maisakatuparan ang kung ano mang "vision" na nasa puso't damdamin mo, eh di, sige lang. Huwag magpaawat. Purist ka man na film advocate o digital freak, sige lang. Dahil sa huli, ang titignan ng tao ay ang kuha/likha mo. Hindi ang camera mo. Siguro naman hindi interesado ang mga tao sa brush na ginamit ni Da Vinci, kundi kung anong nalikha nung brush at pintura niya.




Monday, September 19, 2011

Happy 32


Opisyal na kong lagpas sa kalendaryo ngayong araw na 'to. Ayos lang. Masasabi kong inabot ko ang edad na ito na may natutunan. Natatawa nga ako sa mga nauna kong sinulat dito, parang mas nakita ko ang mga bagay na negatibo noon, samantalang ngayon, mas pinapansin ko na ang mga bagay na masayang pagtuunan ng pansin. Marami akong pagpapasalamat sa mga nakaraang taon. Una ito.



(Hindi ko pa ganap na naisayos ang aking flickr account, saka hindi pa ko marunong gumawa ng link mula sa flickr patungo rito sa blog.)

Hindi lang ang taong nasa larawan ang nais kong ipagpasalamat. Tuwing tinitignan ko ang larawang ito (at iba ko pang larawan sa kanya) napapaalala sa akin kung bakit kami matagal nang magkasama. Pareho naming ginagawa ang mga bagay na may saysay (sa tingin namin) gaya ng paglalakad sa kung saan-saan, kumuha ng larawan, gumuhit, maglakbay sa mga lugar na hindi naman gumagastos ng malaki, mangarap, magsulat, pumunta sa mga museo, atbp. Marami kaming pinagkakaabalahang gawain, hindi kami nagtititigan at nagbobolahan lang maghapon.

Sa ngayon nag-aaral kaming kumuha ng matinong larawan, hindi kami magaling kaya nga nag-aaral. Nililinang din namin ang pagguhit at pagpinta. Nagdidiskurso ng aming mga agam-agam at mga plano. Basta marami.

Oo korni na kung korni. Hindi ko kayang maipaliwanag ng husto kahit lingua franca na gamit ko sa pagsulat, tapos antok pa ko. Pero ang gusto ko lang sabihin, Happy 32 sa akin. Maraming bagay at mga taong luminaw ang aking pagpapahalaga dahil diyan sa mamang 'yan na tatlong taon ang tanda ko.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...