Pages

Monday, October 31, 2011

Ang bus na biyaheng Baguio

Mahaba at nakakainip minsan ang biyahe. Buti na lang komportable ang nasakyan naming Victory Liner bus, at mahilig naman akong magmasid-masid sa bintana kaya masaya naman ang biyahe. Nakakaaliw makakita ng mga bagay na hindi nakikita sa Metro Manila.

Ang NLEX sa pagkakaalam ko ay isang PPP (public-private partnership), sa gobyernong hindi, kasi may kahati. Mataas man ang bayad sa toll, mukha namang maayos ang kalsada at may mga nakabantay na NLEX patrol sa kahabaan ng express.

Heto ang mga ilang kuha gamit ang ipod (for instant gratification) habang nasa biyahe. Panalo ang mga bagong bus ng Victory Liner, tila mga distortion-free na picture windows ang gamit sa mga bus. Iyon 'yung tipong hindi nakakahilo na parang may grado ang salamin kapag tinitignan. Halos wala ring glare at reflection kapag kukunan ang mga tanawin sa labas. Kaya't ito na, pictures.

Sa NLEX. Siyempre mga bukirin at mga naglalakihang tore ng kuryente, atbp. Mga larawang halo ang industriyalisasyon sa karuralan.





Meron pa ring mga bahaging inaayos.



Kita na ang Mt. Arayat sa larawang ito.



Ilog. Buti naman at mukha namang malinis.


Nagulat ako dahil tila may oasis sa gitna ng express, Lakeshore Tent. Parang interesante ang lugar nung tinignan ko ang website nila.


May mga nakikita kaming iba-ibang uri ng ibon. Hindi lang kayang makunan. Medyo malayo at mabilis ang takbo ng bus. Sabi ni j-pox, mga migratory birds daw na tumatambay sa Candaba, Pampanga. Gusto kong bisitahin ito minsan. May mga bakawan din sa gitna ng bukirin sa Candaba.

Mga ilog o bukal, pero kapansin-pansing ang iba ay may pagkatuyo na.


Dulo ng NLEX. Bandang Pampanga. Lumiit na ang kalsada. Bumagal din ang biyahe dahil sa dami ng mga sasakyang dumadaan sa mga bahagi ng kalsadang inaayos.



Ang tagal na ring nanalasa ang Mt. Pinatubo, pero kita pa rin ang ilog na ni-lahar sa Mabalacat.
Parang kumikinang lang, pero basang natuyong lahar lang iyan imbes na tubig.
Ilog uli. Ito ay talagang kinang ng medyo malalim na katubigan.
Mga iba't ibang konstruksyon. Bandang Tarlac.







Sa bandang Pangasinan, parang pagong na ang usad ng trapiko. Nilalaparan kasi ang kalsada, maraming konstruksyon. At nakita ko kung gaano kahirap ang pagsesemento ng kalsada sa ating bansa. Manual labor kung manual labor.



Tanghaling tapat na nakatampisaw sa binubuhos na semento ang mga manggagawa. Mano-mano ang pagpapala, paglalatag at pagpapatas ng semento. Saludo ako sa mga manggagawa. Sana tunay na sapat ang ibinabayad sa kanila sa ganitong uri ng delikado at pulidong trabaho.

Maaraw at halos nakatigil na ang bus sa trapik. Kala ko sa Maynila lang ma-trapik. Heto ang mga kuha ng naglalakihang pangkonstruksyong nakakahambalang sa kalsada.
Mga interesanteng bagay bandang Tarlac, Pangasinan at La Union.

Parang rebulto ni Manuel L. Quezon na nasa harap ng bahay.


Lone traveler? Hitch a ride? Parang nahahabaan ako sa lalakaran ni ate sa tulay na ito.

Nakatulog ako sa bagot sa trapik. Gising, tulog, gising tulog. Nagugulat ako minsan pagkagising ko may interesanteng bagay sa tapat ng bintana ko.

Kuliglig. Gamit ito sa mga palayan/sakahan. Naka-park sa isang paaralan sa Urdaneta, Pangasinan.
Nagpapatuyo ng ipa. Nakaayos at nakalapat ang mga ito sa kalsada.
Isang paalala. Slogan para sa mga barumbadong magmaneho.

Ang sikretong lagoon...hindi, wala lang akong maisip na pamgat.

Atbp.

Tulog, gising uli. Gumising ako sa bandang La Union. Napakaraming mga palayan.

Pero ano ito? Tila may sugat ang bundok.

Tuyong mga ilog?



At ayan na paakyat na ng Baguio. May nakita akong karatula, Welcome to Benguet, Mt. Province.

Ninamnam ang tanawin ng mga kabundukan.

At matapos ang mahabang biyahe. Balik lungsod ng Baguio. Nakahanap din kami ng matutuluyan. Isa sa mga pinakamura sa Session Road, La Brea Inn. Hindi maganda mga review nito sa internets. Pero tuwing pumupunta ako ng Baguio, ito tinutuluyan ko kasi abot kaya at nasa sentro ng Baguio, sakayan, tambayan.

Sa isang biyahe o bakasyon, huwag asahang lahat ay magaganda. May magaganda at pangit na tanawin, gawain ng ibang tao, at/0 mga karanasan. Bahagi ito ng buhay. Pero ang mahalaga, mas bigyang pansin ang mga magaganda at kumuha ng aral sa mga hindi kaaya-aya. Natuwa ako sa biyahe kahit Sabado't Linggo lang kami dun. Ginawang Cubao lang ang biyahe. May pasok kasi ako ngayon. Pero sa susunod, tatagalan na namin ng konti ang pagliliwaliw dito.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...