Noon, wala pang digital (meron pero pang-super yaman lang), gusto ko bumili ng SLR na Nikon o kaya kahit Pentax. Pero ang mahal. Estudyante pa ko nun, tapos ang gamit ko ay point-and-shoot na manual Vivitar camera, 'yung pagkatapos ng bawat kuha may iniikot para sumulong yung film. Tapos iikot mo uli para i-rewind. Pinakamura kasi ang Vivitar noon, mas mura pa kesa sa sikat na Kodak KB10 na si Richard Gomez pa yata ang endorser, budget camera ng Kodak. Circa 1997 or '98 yata 'yun. Ang camera ko, 'yung mas mura pa sa mura. Ginamit ko siya sa lahat ng projects ko. Siyempre hindi lahat ng kuha ko ay malinaw at maliwanag.
Ngayon, may DSLR na, wala pa rin akong pambili ng makabagong camera. Pero nakabili na ako ng film SLR sa Quiapo ngayong taon, panalo 2k lang, Yashica FX-D, hindi pa rin Nikon. Kung gusto mong makakita ng Yashica na SLR, pumunta ka sa plaza ng simbahan niyo o kaya sa Luneta, yung gamit ng mga manong na photographer na nangungulit kung gusto mong magpa-picture, Yashica 'yun.
Kapag nakakakita ako ng mga estudyante ngayon na may camphone na nga, may ipod pa, may DSLR pa, may laptop na may webcam pa, sa loob ko, natutuwa ako para sa kanila. Hindi nila dinanas ang hirap na may mga project na kailangan ng larawan at pumila pa sa padevelopan para lang makitang mas maraming madilim na picture kesa sa mga pwedeng magamit para sa project. Ang layo na ng narating ng teknolohiya, mas maraming tao na ang pwedeng gumamit nito.
Pero mas nakakaaliw ay ang malamang hindi pa pala patay ang analog. Hindi pa patay ang film. At ang pinakanakakatuwa, may grupo ng mga taong seryosong kumukuha ng larawan gamit ang toy cameras, basta yun ay mga plastic na point and shoot cams.
Lo-fi rocks!(Parang metal, buhay pa rin kahit mas marami nang hip-hop hehehe.)
(gamit ay redscale expired film)
Dito na naman papasok ang aking bagong mantra pagdating sa potograpiya na, "The best camera, is the one with you." Nabanggit ko na ito sa naunang post. Kung wala man akong astig na DSLR, ('yung sobrang high-tech, lahat ng pores mo kuha na sa larawan), pwede pa rin kumuha magpaka-potograpo. Parang 'yung salawikaing, kung maiksi ang kumot matutong mamaluktot o 'yung maghangad ng kagitna sansalop ang mawawala. Lumalayo na yata.
(gamit ay ipod touch, simpleng pattern ang paksa para di halatang mababa sa pixels)
Ang camera ay isa lamang bagay na ginagamit upang kumuha ng larawan, na sa tingin mo ay papahalagahan mo. Parang instant painting. Sa kasaysayan, ang mga pinakaunang nagsulong ng paglikha ng camera ay isang pintor mismo. Kapag nakakakita ako ng magandang larawan, minsan nagpa-palpitate ako, parang nung unang nakita ko ang Spoliarium sa field trip namin nung elementarya. Seryoso.
(Wala pa sa level nina Luna. Kuha gamit ang ipod)
Masasabi ko na ang buhay ko ay isang mahabang paglalakbay sa paghahanap ng kabuluhan at paghahabol dun sa damdaming nararamdaman ko kapag nasa harap ko ang isang magandang likhang sining. Wala akong pakialam kung may magsabing ang pangit ng gawa ko. Sabihin ko pa rin salamat, subukan kong galingan sa sunod. Pero siyempre masaya ako pag may natutuwa sa gawa ko, parang si Cooking Master Boy sa anime, nagluluto siya para may sumaya at mabusog, hindi lang para sabihing Master Chef siya. Sa ngayon, napapasiya ko pa lang ay ang sarili ko at mangilan-ngilang tao.
(inaanak na game mag-model. 35 mm film sa 120 ng Diana F+)
Kaya kahit mapa-high tech o low tech ang gamit, para sa akin, mas mahalaga ay ang damdamin. Kung ginagamit mo ang camera para maisakatuparan ang kung ano mang "vision" na nasa puso't damdamin mo, eh di, sige lang. Huwag magpaawat. Purist ka man na film advocate o digital freak, sige lang. Dahil sa huli, ang titignan ng tao ay ang kuha/likha mo. Hindi ang camera mo. Siguro naman hindi interesado ang mga tao sa brush na ginamit ni Da Vinci, kundi kung anong nalikha nung brush at pintura niya.
No comments:
Post a Comment
I love to hear from you. Yes, you. Your comments are most welcome. :))