Pages

Thursday, September 29, 2011

Simbahan ng Boso-boso, Antipolo

Ang Simbahan ng Boso-boso sa Antipolo, circa 1768, ay isa sa mga natitirang arkitektura sa istilong Baroque. Medyo malayo ang kinalalagyan nito sa urban na bahagi ng Antipolo. Inabot kami ng mga 30 minutong paglalakbay na walang trapik mula sa terminal ng Antipolo town-proper: Dalawang sakay ng jeep, at isang byaheng traysikel mula sa sakayan sa bayan.

Ang walang kamatayang facade shot, siyempre, para sa pagkakalinlan na rin sa kabuuang itsura ng istruktura ng simbahan.

Boso-boso Church facade
Gamit ay Yashica FX-D, ISO 100 LSI redscale film, pulled to ISO 50, 1/30, f/8

Ang mga simbahang ganito ay nilalagyan ng plaster na palitada para magmukhang makinis. Pero dala ng katandaan, nagbabakbak, at lumalabas ang mga bloke ng adobe (sa pagmamasid ko lang, wala akong makuhaan ng kumpletong impormasyon sa mga materyales). Sana pigilan na lang ng Historical Institute ang paglala ng kalagayan, na ganyan, huwag nang palitadahan o pinturahan pa.'Yung anino sa bandang kanan ay ang mga thick buttresses na sumusuporta sa kabuuan ng simbahan, para hindi mabuwal, lalo na pag lumilindol.

Kitang-kita rito kung gano kalaki ang bawat blokeng ginamit, at saka kung gaano rin kalaki ang buttresses ng simbahan.

thick buttresses
Gamit ay Yashica FX-D, ISO 100 Kodak Ultima, pulled to ISO 50, 1/30, f/8

Kaarawan ko pala nung pumunta kami rito. Matagal ko na kasing gustong puntahan. Kahit taga-Rizal na ko, marami pa ring bahagi ng lalawigan ang hindi ko pa nabisita. Sabi ni Pao (taga-Antipolo) na aking kasama, ang Nuestra Senora de Buenviaje na nasa katedral ng Antipolo sa bayan ay orihinal na nandito, pero tila ayaw yata ni Senora rito, (haka-haka namin magubat kasi ang paligid, 'di ba't may parte ng El Filibusterismo na sa Boso-boso nangangaso ng usa 'yung sablay na Kapitan Heneral) kasi naglalakad daw ang imahe sa gabi at tuwing umaga nakikita nila ang santo na nasa puno ng tipulo kung saan narito ngayon ang katedral.

Kuha sa hardin. Malawak, mapuno, maaliwalas. Para akong bumalik sa nakaraang wala pang mga mausok na sasakyan at talamak na urbanisasyon.

Boso-boso church gardens
(parehong settings sa nauna)

Ayokong mawala ang mga kagaya nitong bahagi ng ating kultura. Hindi ka man Kristiyano o walang pinapaniwalaang diyos, ang mga ganitong halimbawa ng arkitektura ay bahagi ng kasaysayan, sana huwag mapabayaan. Sana lumaganap ang turismo rito, para magkapondo ng informed conservation, hindi lang basta magmukhang bago. Pero katakot, kasi kasama ng laganap na turismo ay mga naliligaw na balahurang maaaring makasira pa ng tahimik at maaliwalas na lugar ng Boso-boso. Walang takas. Hay.

Pero smile naman diyan Pao, i-model mo ang mga moss at lichen na unti-unting kumakain sa mga batong bumubuo ng makasaysayang simbahang 'yan.

pao and the mossy walls

PEACE



Tuesday, September 27, 2011

Shamcey

Nagulat ako at dalawang araw pa lang, nagdeliver na ang Digiprint ng mga pinadevelop na film (film scanned to cd). Ayos sa Shangrila kahit nagsara na ang digiprint sa SM Taytay, may mapupuntahan kami na malapit-lapit. Sa dinami ng mga kinuha kong litrato, ang una kong hinanap ang file ng kay Shamcey. Kinabahan kasi ako dahil redscale ang film na ginamit. Kelangan ng ganung klase ng mahabang exposure para pumasok ang mas maraming ilaw sa film. Ang kapalit ng mahabang exposure ay camera shake or pagiging blurry, lalo't gumagalaw ang tao. Naks dami pang sinasabi, ito na pictures.

Ang motorcade ni Shamcey ay nag-umpisa sa Araneta Coliseum, sa kalye pagitan ng Dome at ng Farmer's. Siyempre may mga fiesta effect muna bago siya.


Tapos ayan na, sa malayo, kumakaway-kaway.


Talagang daming tao ang nagsipagtakbo at pumunta sa center island. Siksikan, paparating na sa tapat namin.


Pero grabe may hawi boys din pala siya. Manong naman, porke wala kami press ID haharang harang ka na diyan?

Papalapit na sa ami ang sinasakyan niya. Hindi kaya siya napapagod ngumiti at nangangalay kumaway?


Ayan, medyo malapit na. Ang hirap mag-focus, ginigitgit kami ng mga humihiyaw na tao. Kasi nga naman, manual na film camera Yashica SLR ang gamit ko, adjust dito doon, sablay pa rin.
Eto na, tumigil sa tapat namin, isang klik na lang sana. Pero...


blag! May bumangga sa camera ko. Ulo ng isang babae, tumunog ang bungo niya. Bakal kasi ang camera. Kala ko napindot ko ng nasa oras, pero hindi, mabagal ako, t@ngna, ulo nung babaeng tuloy-tuloy ang paghiyaw ang nakuha sa litrato. Kapag nasa estado ata ng kasiyahan ang isang tao, nakakalimutan ng utak nilang sabihan sila na "hoy, masakit ulo mo nabangga mo sa bakal." Ewan ko ba. Basta sayang, katapat, in-focus at nakangiti si Shamcey sa lens ko nun, hindi ko nakuha ang kodak moment.

Kultura na natin ang beauty contest. Maski ako na hindi mahilig manood ay parang nasapian ng euphoria ng nasa paligid sa isang kumakaway na musa. Talagang mahihilig tayo sa maganda. Natuwa lang ako kasi biglaang photo-op lang naman 'to gaya ng nasabi ko sa nauna kong post. Masayang mapaligiran ng mga taong natutuwa, at natuwa ako dahil si Shamcey ay may gandang Pinay. Sana huwag siyang mag-endorse ng mga kung anu-anong pampaputi at pampa-"enhance." Maganda na ang kanyang mga natural na katangian.


Monday, September 26, 2011

Cosplay

Mga isa o dalawang buwang nakaraan, nagpunta kami sa isang cosplay sa SM Taytay. Pangarap kong sumali sa kahit na anong cosplay, pero nahiya ako eh. Kaya kinunan ko na lang sila, pero sablay mga kuha ko haha, nag-eksperimento pa kasi ako ng settings, andilim tuloy. Ito yung ibang medyo matino.

Isang mei doll french maid ng isang anime cafe sa Brookside, Cainta. Nagsayaw ng k-pop. Nalito nga ako eh, kasi hindi ba dapat j-pop sinayaw nila. Hindi pa ko nakakain dun, sabi kasi ng isang kakilala, lucky me with egg lang daw ang "ramen" na tinitinda dung pagkain. Pero siguro, subukan ko pa rin ng personal. Nagsasayaw daw kasi tong mga french maid/waitresses dun. Cute naman sila.


Ang daming tao, daming naka-costume. Siksikan at mainit. Hindi ko alam kung anong kukunan. Ito yung isa sa mga pinakamatino, pasensya na. Kasi yung iba kung hindi madilim nung nadevelop, korni naman yung mga kuha.


Nakakairita yung mga host na kinuha nila, kung anu-ano sinasabi. Sayang hindi na kami nagtagal pa kasi kakainip lang yung mga pinagsasabi nila. May talent portion pa naman yung mga kasali sa cosplay.

Magkakaroon ng cosplay sa SMX MOA ngayong darating na October, sana makanood kami uli, at sana maayos na mga kuha ko.



Saturday, September 24, 2011

On basketball.

I have one word for my recent posts. Overkill. I think I kept going on about taking photos. This happens to me when I am trying to learn something. It's about time to write something different. Besides, I can't think clearly because my housemate's got a visitor who's watching college basketball on TV, he's so noisy. Cheering. The sound is grating. Infuriatingly.

Perhaps I should write about basketball. I don't like it. I only bear watching basketball with my father, (but he's dead for two years now,) just so because he makes funny comments on how bwakaw one player is, or the other one is a balyador, stuff like that, while I watch and look out for mascots on the sidelines and comment on his/her mascot moves. My father would laugh at my punchlines about the mascots.

I don't like the concept of the game of basketball, and now I have no reason to ever watch another game, I would only miss my dad. He's the only reason why I watch basketball on lazy weekend afternoons.

My dad loves sports. He knows how to play tennis, badminton, volleyball, basketball; swimming, diving, he was a former soldier of the Philippine Marines. Of course his favorite is shooting real bullets in a firing range, not that war games thing that uses pellets. He has a glock, a smith & wesson revolver and a double-barrel shotgun, which he loves cleaning during the weekends. I haven't learned any of the things that he's good at. I can only do a back float and a backstroke. Since he's my father, I see him as a Super Dad, who knows lots of stuff, because on top of that, he can draw realistic carabaos. At least he drew, even if it's just carabaos.

Back to basketball. I know my dad loves the sport. He appreciates those who play well and is a teamplayer. He wants an interesting game where both teams are neck and neck against each other. Now this noisy visitor, he keeps on screaming GO ATENEO!!!! at the top of his lungs. First of all, he is not an atenista, he's an out of school youth who goes to the university of DOTA, not that there's anything wrong with being an out of school youth, just as long as you try to make yourself useful to society. Alak, DOTA, yosi, clubbing clubbing, (talagang nagtagalog na, di kinaya). And what really irked me and made me sad at the same time is that, he is only cheering "go ateneo" to make himself look cool and privileged, whatever shallow reason he has. Pa-cool. Where's the love for the game?

I don't like basketball, but I don't impose it on other people. I even enjoy looking at people who are so excited about the game. Really excited to see people cheer for a good play of the game that they love, not for yabang reasons. And so I am both mad and sad. I'm mad about the noise coming from an annoying, obnoxious person, and I'm sad because I miss my father and hate to be reminded about it, because it's painful to make me aware of my sadness and loss.

Friday, September 23, 2011

Low tech

Noon, wala pang digital (meron pero pang-super yaman lang), gusto ko bumili ng SLR na Nikon o kaya kahit Pentax. Pero ang mahal. Estudyante pa ko nun, tapos ang gamit ko ay point-and-shoot na manual Vivitar camera, 'yung pagkatapos ng bawat kuha may iniikot para sumulong yung film. Tapos iikot mo uli para i-rewind. Pinakamura kasi ang Vivitar noon, mas mura pa kesa sa sikat na Kodak KB10 na si Richard Gomez pa yata ang endorser, budget camera ng Kodak. Circa 1997 or '98 yata 'yun. Ang camera ko, 'yung mas mura pa sa mura. Ginamit ko siya sa lahat ng projects ko. Siyempre hindi lahat ng kuha ko ay malinaw at maliwanag.

Ngayon, may DSLR na, wala pa rin akong pambili ng makabagong camera. Pero nakabili na ako ng film SLR sa Quiapo ngayong taon, panalo 2k lang, Yashica FX-D, hindi pa rin Nikon. Kung gusto mong makakita ng Yashica na SLR, pumunta ka sa plaza ng simbahan niyo o kaya sa Luneta, yung gamit ng mga manong na photographer na nangungulit kung gusto mong magpa-picture, Yashica 'yun.

Kapag nakakakita ako ng mga estudyante ngayon na may camphone na nga, may ipod pa, may DSLR pa, may laptop na may webcam pa, sa loob ko, natutuwa ako para sa kanila. Hindi nila dinanas ang hirap na may mga project na kailangan ng larawan at pumila pa sa padevelopan para lang makitang mas maraming madilim na picture kesa sa mga pwedeng magamit para sa project. Ang layo na ng narating ng teknolohiya, mas maraming tao na ang pwedeng gumamit nito.

Pero mas nakakaaliw ay ang malamang hindi pa pala patay ang analog. Hindi pa patay ang film. At ang pinakanakakatuwa, may grupo ng mga taong seryosong kumukuha ng larawan gamit ang toy cameras, basta yun ay mga plastic na point and shoot cams.

Lo-fi rocks!(Parang metal, buhay pa rin kahit mas marami nang hip-hop hehehe.)

llcrop9996
(gamit ay redscale expired film)

Dito na naman papasok ang aking bagong mantra pagdating sa potograpiya na, "The best camera, is the one with you." Nabanggit ko na ito sa naunang post. Kung wala man akong astig na DSLR, ('yung sobrang high-tech, lahat ng pores mo kuha na sa larawan), pwede pa rin kumuha magpaka-potograpo. Parang 'yung salawikaing, kung maiksi ang kumot matutong mamaluktot o 'yung maghangad ng kagitna sansalop ang mawawala. Lumalayo na yata.

glass blocks
(gamit ay ipod touch, simpleng pattern ang paksa para di halatang mababa sa pixels)

Ang camera ay isa lamang bagay na ginagamit upang kumuha ng larawan, na sa tingin mo ay papahalagahan mo. Parang instant painting. Sa kasaysayan, ang mga pinakaunang nagsulong ng paglikha ng camera ay isang pintor mismo. Kapag nakakakita ako ng magandang larawan, minsan nagpa-palpitate ako, parang nung unang nakita ko ang Spoliarium sa field trip namin nung elementarya. Seryoso.

(Wala pa sa level nina Luna. Kuha gamit ang ipod)

Masasabi ko na ang buhay ko ay isang mahabang paglalakbay sa paghahanap ng kabuluhan at paghahabol dun sa damdaming nararamdaman ko kapag nasa harap ko ang isang magandang likhang sining. Wala akong pakialam kung may magsabing ang pangit ng gawa ko. Sabihin ko pa rin salamat, subukan kong galingan sa sunod. Pero siyempre masaya ako pag may natutuwa sa gawa ko, parang si Cooking Master Boy sa anime, nagluluto siya para may sumaya at mabusog, hindi lang para sabihing Master Chef siya. Sa ngayon, napapasiya ko pa lang ay ang sarili ko at mangilan-ngilang tao.

flower girl power smile
(inaanak na game mag-model. 35 mm film sa 120 ng Diana F+)

Kaya kahit mapa-high tech o low tech ang gamit, para sa akin, mas mahalaga ay ang damdamin. Kung ginagamit mo ang camera para maisakatuparan ang kung ano mang "vision" na nasa puso't damdamin mo, eh di, sige lang. Huwag magpaawat. Purist ka man na film advocate o digital freak, sige lang. Dahil sa huli, ang titignan ng tao ay ang kuha/likha mo. Hindi ang camera mo. Siguro naman hindi interesado ang mga tao sa brush na ginamit ni Da Vinci, kundi kung anong nalikha nung brush at pintura niya.




Thursday, September 22, 2011

Random people

Kahit nasaan ako, mahilig akong magmasid sa mga tao. Hindi ba't marami rin namang tao ang interesante. Para sa akin, hindi kailangang maganda o guwapo para lamang maipinta o makunan man lang ng larawan. Ayoko naman kunan ng larawan ang mga taong grasa o pulubi dahil wala sila sa sarili nila. Ang pinakagusto ko ay mga taong dalang-dala nila ang sarili. Interesante. Tipong kahit hindi magsalita, alam mong kaya niyang sabihin, "May dignidad ako. Ayoko ng awa (pero kung may tip siyempre, salamat, hehehe). Nagtatrabaho ako para mabuhay." Parang ganun.

Gaya nitong sila manong gwardya sibil sa Intramuros. Game lang sa photo op.

guardia civil in Intramuros

Saka itong si manang. Proud siya sa mangga't suman niya. Masarap naman talaga. Kapag pumunta kayo ng simbahan ng Antipolo, subukan niyo ang mangga't suman doon, mura at masarap.

000014b
Ang bagal ko lang pumindot kaya hindi tuloy siya nakatingin sa camera.

Naglalakad-lakad kami sa Ayala nito, galing sa mahabang pila sa PAG-IBIG housing. Pagod at iritable, pero bigla kaming naaliw ng makakita ng mamang naglalako ng gitara. Kakagulat lang na makakita ng isang taong maraming bitbit na gitara.

guitar man

May mga napapalagpas akong pagkakataon na kumuha ng larawan. Dala na rin ng hiya. Kailangan sa susunod medyo kapalan ko na mukha ko. Ayoko ko kasing maging hindi komportable yung taong gusto kong kuhaan, kaya sa dalawang naunang larawan nagpaalam ako sa kanila. Sa huling larawan, stalker-mode ba?

Sana mabawasan na ang pagka-praning ng mga tao sa camera. Napag-usapan namin dati na may mga Pinoy pa rin na takot sa kulam, o sa kidnap o sa stalker. Basta maraming rason. Sana kung sakaling magkita tayo sa daan, at makiusap akong kunan kita ng larawan dahil cool ka, sana pumayag ka, hehehe PEACE.

Wednesday, September 21, 2011

Shoot lang ng shoot.

Mahilig akong tumingin ng mga likhang sining, sa museo, sa kalsada sa kahit saan. Bilib ako sa mga magaling na pintor at iskultor. Nakakita rin ako ng sining sa kalikasan, sa mga anyong nabubuo sa mga ulap, lalo na't nakikipag-agawan pansin ang mga likhang tao.

Sana balang-araw gumaling na ko sa pagpinta, konting sanay at pasensya na lang siguro. Pero dahil laging kulang ako sa oras, pagsanay sa paglitrato na muna ang bigyan ko ng pansin. Ito rin, balang araw sana gumaling din ako. Umaga ng kunan ko ito, gamit ang napakapakipakinabang na ipod touch.

10

Hindi kagandahan ang exposure, pero ano ba naman ang aasahan ko sa isang simpleng camera. Natuwa pa rin ako, kasi nga medyo mababaw ako. May natutunan ako sa blog ni Ken Rockwell (itinuturing na Chuck Norris ng photo blogs, seryoso siya, pero natatawa na lang mga nagbabasa sa kanya), ayaw niya ng "equipment master-bator" 'yun bang wala nang ginawa kundi alamin ang specs ng camera at payabangan na lang lagi ng camera. Wala natawa lang ako sa terminong ginamit niya.

May grupo ng mga letratistang nagsusulong ng "The best camera, is the one with you." Nakakaaliw, tipong nasa iyo na tuklasin kung anong uri ng kuha ang magagawa mo gamit ang iyong camera, kahit na pa simpleng camphone lang ito.


Minsan may mga sorpresang dulot ang low-tech. Dahil simple lang ang lens ng ipod touch, nakalilikha ito ng weird color casts, lalo na kung palubog o pasikat na ang araw.

8

Paborito kong kunan ang langit. Madalas akong magulat sa mga nagiging resulta nito. Kaya shoot lang ng shoot.

Tuesday, September 20, 2011

Bakasyon


Madali akong maaliw. Saka kuripot naman ako, kaya kapag sinabi kong bakasyon, ibig lang sabihin wala akong pasok sa trabaho at gumagala lang ako kung saan-saan.

Day 1
Gusto kong mga lugar ay mga mala-kagubatan, halos walang tao. Hindi naman ako pwedeng mag-alsa balutan na lang at manirahan sa rural na lugar, hindi ko mabubuhay ang sarili ko sa paghuli at paghanap at pagtanim ng pagkain, kailangan ko pa rin ng grocery. Pero dahil gusto ko ng tahimik at magubat na lugar, nagtungo kami sa PACEM Eco Park.

love this place


Day 2
Sinundo ang aming tuta mula kay Ate sa Bulacan. Naawa ako kay puppy Rich kasi nahilo siya sa biyahe. Lahat na lang ng panglupang sasakyan ay nasakyan niya, Bulacan-Antipolo.

in transit

Day 3
Nakipagkita sa mga kaibigang matagal nang hindi nakikita sa Cubao. Saya kasi talagang mahalaga sila sa akin, nakipagkwentuhan hanggang madaling-araw. Hindi ako nakakuha ng larawan kasi abala sa pakikipagbalitaan ng buhay-buhay. Ito na lang kuha ng kaibigan kong si Mike kay Bob ng have you seen bob?

(kuha ng aking kaibigang si Mike)
Day 4
Nagdiwang ng kaarawan kasama ang ilang kaibigan sa Balaw-Balaw sa Angono. Marami pang nangyari sa araw na ito bago nito, na kinunan ng larawan gamit ang film camera, kaya ayan, walang instant gratification file mula sa digicam. Kaya ito na lang, preview ng pinuntahan sa Day 5.

brickwork ceiling

Day 5
Nagpunta kaming Roma...

Pieta in Manila Cathedral

...sa Maynila. Plaza Roma, Katedral, Intramuros, atbp.

Maya-maya ay Day 6. Magpapahinga na muna ako sa kakagala. Saka ubos na rin ang aking pondo. Gayahin ko na muna ang pusang ito.

nap





Monday, September 19, 2011

Mga biglaang photo ops

Inumpisahan namin ang araw na 'to ng maaga. Nagkita sa simbahan ng Antipolo ng bandang 7 am, kumain lang saglit ng agahan, saka bumiyahe patungong Boso-Boso upang kuhaan ang lumang simbahan doon. Medyo mahaba ang biyahe, kahit pa bahagi pa rin ito ng Antipolo may kalayuan pa rin talaga. Napatanong namin sa isa't isa kung nararapat ba talagang maturing na lungsod ang Antipolo, dahil marami pang bahaging napakarural sa mga nadaanan. Wala naman kaming isyu sa pagkalungsod nito, pero nakakatuwa pa ring makita na marami pa ring kagubatang bahagi sa Antipolo, sana hindi ito magbago.

Nakarating naman kami sa simbahan ng Boso-Boso, sarado ang loob ng simbahan, pero natuwa naman kaming kuhaan ng larawan ang mga iba-ibang anggulo ng exterior nito. Nakatutuwa. Gumagamit pa pala kami ng film sa pagkuha, bukod sa mahal ang digital, nakakatuwa pa rin namang aralin ang mga makalumang paraan ng paglitrato. Kaya wala munang kaakibat na larawan ang siping ito.

Sunod naman ay lumuwas kami ng Cubao upang sunduin ang mga kaibigang ipapasyal sa Angono upang kumain sa Balaw-Balaw. Pero isang magandang photo op ang aming nakita sa Aurora Blvd., lupon ng mga aktibistang nagtigil pasada laban sa pag-akyat ng presyo ng langis. Siyempre masaya ako dahil isang oportunidad ng makabuluhang street photography. Pagkatapos ay gumala-gala lang kami sa Cubao. Nagtaka sa lupon ng mga taong tila may inaabangan sa bandang Araneta at Farmer's. Narinig namin sa mga tao na inaabangan nila si Shamcey, yung kandidata sa Ms. U na nag-runner-up. Tinamad kaming makigulo at gumala na lang sa Farmer's para maghanap ng film. Nung kami'y lumabas, saktong umpisa na pala ng motorcade ni Shamcey, ayun, tawid ng kalsada, at "klik" instant photo op sa isang magandang Pinay runner-up ng Miss U. Isa na namang instant photo op.

Sana maganda ang kinalabasan ng aking mga kuha. Sana mapa-develop ko na agad ang mga naipong film, at sana maging maayos ang kalabasan ng mga kuha. Kinakabahan kasi ako na hindi sharp ang imahe.

Pero dahil gusto ko laging may isang imahe na representante ng bawat post ko. Ito muna ngayon, isang biglang photo op ng mga siklista matapos ang ulan. Isa sa mga medyo mapagtyagaang resulta sa pagsabak sa street photography.

cyclists

Happy 32


Opisyal na kong lagpas sa kalendaryo ngayong araw na 'to. Ayos lang. Masasabi kong inabot ko ang edad na ito na may natutunan. Natatawa nga ako sa mga nauna kong sinulat dito, parang mas nakita ko ang mga bagay na negatibo noon, samantalang ngayon, mas pinapansin ko na ang mga bagay na masayang pagtuunan ng pansin. Marami akong pagpapasalamat sa mga nakaraang taon. Una ito.



(Hindi ko pa ganap na naisayos ang aking flickr account, saka hindi pa ko marunong gumawa ng link mula sa flickr patungo rito sa blog.)

Hindi lang ang taong nasa larawan ang nais kong ipagpasalamat. Tuwing tinitignan ko ang larawang ito (at iba ko pang larawan sa kanya) napapaalala sa akin kung bakit kami matagal nang magkasama. Pareho naming ginagawa ang mga bagay na may saysay (sa tingin namin) gaya ng paglalakad sa kung saan-saan, kumuha ng larawan, gumuhit, maglakbay sa mga lugar na hindi naman gumagastos ng malaki, mangarap, magsulat, pumunta sa mga museo, atbp. Marami kaming pinagkakaabalahang gawain, hindi kami nagtititigan at nagbobolahan lang maghapon.

Sa ngayon nag-aaral kaming kumuha ng matinong larawan, hindi kami magaling kaya nga nag-aaral. Nililinang din namin ang pagguhit at pagpinta. Nagdidiskurso ng aming mga agam-agam at mga plano. Basta marami.

Oo korni na kung korni. Hindi ko kayang maipaliwanag ng husto kahit lingua franca na gamit ko sa pagsulat, tapos antok pa ko. Pero ang gusto ko lang sabihin, Happy 32 sa akin. Maraming bagay at mga taong luminaw ang aking pagpapahalaga dahil diyan sa mamang 'yan na tatlong taon ang tanda ko.

Sunday, September 18, 2011

Hello blog,

Buhay ka pa pala. Akala ko ni-reformat ka na ni internets o kung anumang ginagawa nila sa mga bagay na kinakalimutan dito sa interwebs. Hayaan mo, subukan kong buhayin kang muli. Pupunuin kita ng mga masasayang bagay (sana) para hindi ka malumbay.



Ito muna, isang tanawing pumupukaw sa akin ng pag-asa.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...