Pages

Wednesday, December 7, 2011

New home

Matagal akong nawala sa pagba-blog, maraming kaganapan. Unang-una nasa kabundukan na ko nakatira, mahina ang signal at hindi kinakaya ng internet namin. Ubos na rin ang aking mga pondo dahil maraming kumpuni sa bahay na aming binili. Luma man ito at hindi isang mansion, masaya pa rin ako. Wala pa nga rin kaming kuryente, halos isang buwan na, nakikisaksak lang sa isang mabait na kapitbahay, maaasahan kasi ang natatanging provider ng kuryente dito sa kalakhang Luzon, kilala niyo na kung anong kumpanya 'yun.

Heto ang isang bahagi ng view na nakikita namin sa bakuran. Napapaligiran kami ng mga puno, naririnig ang mga huni ng mga ibon at kung ano pa mang creatures. Pangarap kong tirahan, salamat sa Diyos pa rin dahil sa wakas hindi na kami nagrerenta (naghuhulog na lang ng maliit na halaga sa PAG-IBIG).




Hindi malinaw ang resolution, 2 megapixels lang kasi ito, pero sa malayo tanaw ang mga nagtataasang gusali ng kabihasnan.

Miss ko na ang aking mga paboritong blog, pag naayos na ang lahat, lalo na at pag nagkakuryente, super backread ako ng mga posts. Maligayang araw sa inyo!

PEACE

Wednesday, November 2, 2011

Cosplay at MOA

or my post-Halloween post.

Quarter-end earnings season uli ng mga kumpanya. Third quarter ng taon na ngayon, at muli nila nirereport kung gaano sila yumaman o nalugi. Kaya ako na naman ay pusang pagod na editor ng transcript ng mga report nila, kailangang mag-research ng terms, alamin ang tamang pagkakabaybay ng salita at tamang gamit ng mga bantas pananda (na hindi ko naman nasusunod sa pagsusulat ko rito). Ingles lahat iyon, kaya't pagdating sa blog ay ninanamnam ko ang aking sariling wika.

Kaya heto, gawa ako ng pang-Halloween post. Pampabalanse kasi ng buhay ang may ibang pagkakaabalahan. Sabi nga ng cliche, "All work, and no play, makes meow a dull cat."

Kahit matagal ko na kinunan ang mga ito. Sa ngalan ng lahat ng mga nag-Halloween costume party neto lang, itong mga taong kinunan ko ay nagko-costume kahit hindi Halloween. Sana'y nakakuha kayo ng panibagong idea sa susunod na costume party niyo. Cute naman karamihan (para sa akin).

Nalaman ko na pinagtuunan nila talaga ang paggawa ng kanilang mga sariling costume. Para talagang gayang-gaya ang kanilang paboritong karakter. Sila lang mismo ang gumagawa nito.

Paborito ko sa mga sumali si manong superman. Young at heart, game na game. Mabait na pumapayag magpakuha ng litrato sa lahat, at talagang mga muwestra ni Superman ay gayang-gaya niya.

Isa pang natutunan ko ay may manager na pala ang ibang cosplayer, parang artista. Yung iba hindi basta-basta pwedeng kunan kahit public event ito. Nung nagbasa-basa ako sa internets, 'yung iba talaga ay ginagawang parang stepping stone sa pag-aartista sa pagko-cosplay. Siguro naengganyo sila sa biglang pagsikat ni Alodia na nagsimula bilang cosplayer. Dati kasi sa pagkakaalam ko, 'yung mga taong gustong maglaro at gayahin ang paborito nilang anime character ang nagko-cosplay. Nahaluan na pala ng showbiz.

Dahil medyo maraming dumedma sa aming iba pang mga nagkokodak, medyo nahiya na kaming magtanong. Kasi bawal daw silang picturan sabi ni manager. Hmmm, kailangan ng talent fee sa public event? Kaya't ayan, mga likod na lang at panakaw na kuha ang ginawa ko, ala-stalker.







Masked Rider! Nagmamadali, baka hinahanap si Black Sun.

Pero, marami ring game at masasayang cosplayer na talagang sinasabuhay ang spirit of cosplay, na ibig sabihin ay "costume play." Marami rin naman mababait na cosplayer. Kaya masaya. Mabagal ang internet ko ngayon, kaya hindi ma-upload lahat.

Balak kong sulatin ang mga pinaggagawa ko sa Baguio nu'ng Sabado't Linggo, pero saka na lang.

-----------

Nakapunta ba kayo sa sementeryo? Nag-party? O nagtrabaho? Para sa mga workaholic na nagtatrabaho kahit holiday, saludo ako sa inyo. Hindi rin ako nakapag-undas ng maluwalhati. Sa aking Pappy na nasa langit, Happy All Souls' Day!

PEACE
Gamit ang Yashica FX-D, ISO 100 film, pulled to 50, f/5.6, 1/60, no flash used

Monday, October 31, 2011

Ang bus na biyaheng Baguio

Mahaba at nakakainip minsan ang biyahe. Buti na lang komportable ang nasakyan naming Victory Liner bus, at mahilig naman akong magmasid-masid sa bintana kaya masaya naman ang biyahe. Nakakaaliw makakita ng mga bagay na hindi nakikita sa Metro Manila.

Ang NLEX sa pagkakaalam ko ay isang PPP (public-private partnership), sa gobyernong hindi, kasi may kahati. Mataas man ang bayad sa toll, mukha namang maayos ang kalsada at may mga nakabantay na NLEX patrol sa kahabaan ng express.

Heto ang mga ilang kuha gamit ang ipod (for instant gratification) habang nasa biyahe. Panalo ang mga bagong bus ng Victory Liner, tila mga distortion-free na picture windows ang gamit sa mga bus. Iyon 'yung tipong hindi nakakahilo na parang may grado ang salamin kapag tinitignan. Halos wala ring glare at reflection kapag kukunan ang mga tanawin sa labas. Kaya't ito na, pictures.

Sa NLEX. Siyempre mga bukirin at mga naglalakihang tore ng kuryente, atbp. Mga larawang halo ang industriyalisasyon sa karuralan.





Meron pa ring mga bahaging inaayos.



Kita na ang Mt. Arayat sa larawang ito.



Ilog. Buti naman at mukha namang malinis.


Nagulat ako dahil tila may oasis sa gitna ng express, Lakeshore Tent. Parang interesante ang lugar nung tinignan ko ang website nila.


May mga nakikita kaming iba-ibang uri ng ibon. Hindi lang kayang makunan. Medyo malayo at mabilis ang takbo ng bus. Sabi ni j-pox, mga migratory birds daw na tumatambay sa Candaba, Pampanga. Gusto kong bisitahin ito minsan. May mga bakawan din sa gitna ng bukirin sa Candaba.

Mga ilog o bukal, pero kapansin-pansing ang iba ay may pagkatuyo na.


Dulo ng NLEX. Bandang Pampanga. Lumiit na ang kalsada. Bumagal din ang biyahe dahil sa dami ng mga sasakyang dumadaan sa mga bahagi ng kalsadang inaayos.



Ang tagal na ring nanalasa ang Mt. Pinatubo, pero kita pa rin ang ilog na ni-lahar sa Mabalacat.
Parang kumikinang lang, pero basang natuyong lahar lang iyan imbes na tubig.
Ilog uli. Ito ay talagang kinang ng medyo malalim na katubigan.
Mga iba't ibang konstruksyon. Bandang Tarlac.







Sa bandang Pangasinan, parang pagong na ang usad ng trapiko. Nilalaparan kasi ang kalsada, maraming konstruksyon. At nakita ko kung gaano kahirap ang pagsesemento ng kalsada sa ating bansa. Manual labor kung manual labor.



Tanghaling tapat na nakatampisaw sa binubuhos na semento ang mga manggagawa. Mano-mano ang pagpapala, paglalatag at pagpapatas ng semento. Saludo ako sa mga manggagawa. Sana tunay na sapat ang ibinabayad sa kanila sa ganitong uri ng delikado at pulidong trabaho.

Maaraw at halos nakatigil na ang bus sa trapik. Kala ko sa Maynila lang ma-trapik. Heto ang mga kuha ng naglalakihang pangkonstruksyong nakakahambalang sa kalsada.
Mga interesanteng bagay bandang Tarlac, Pangasinan at La Union.

Parang rebulto ni Manuel L. Quezon na nasa harap ng bahay.


Lone traveler? Hitch a ride? Parang nahahabaan ako sa lalakaran ni ate sa tulay na ito.

Nakatulog ako sa bagot sa trapik. Gising, tulog, gising tulog. Nagugulat ako minsan pagkagising ko may interesanteng bagay sa tapat ng bintana ko.

Kuliglig. Gamit ito sa mga palayan/sakahan. Naka-park sa isang paaralan sa Urdaneta, Pangasinan.
Nagpapatuyo ng ipa. Nakaayos at nakalapat ang mga ito sa kalsada.
Isang paalala. Slogan para sa mga barumbadong magmaneho.

Ang sikretong lagoon...hindi, wala lang akong maisip na pamgat.

Atbp.

Tulog, gising uli. Gumising ako sa bandang La Union. Napakaraming mga palayan.

Pero ano ito? Tila may sugat ang bundok.

Tuyong mga ilog?



At ayan na paakyat na ng Baguio. May nakita akong karatula, Welcome to Benguet, Mt. Province.

Ninamnam ang tanawin ng mga kabundukan.

At matapos ang mahabang biyahe. Balik lungsod ng Baguio. Nakahanap din kami ng matutuluyan. Isa sa mga pinakamura sa Session Road, La Brea Inn. Hindi maganda mga review nito sa internets. Pero tuwing pumupunta ako ng Baguio, ito tinutuluyan ko kasi abot kaya at nasa sentro ng Baguio, sakayan, tambayan.

Sa isang biyahe o bakasyon, huwag asahang lahat ay magaganda. May magaganda at pangit na tanawin, gawain ng ibang tao, at/0 mga karanasan. Bahagi ito ng buhay. Pero ang mahalaga, mas bigyang pansin ang mga magaganda at kumuha ng aral sa mga hindi kaaya-aya. Natuwa ako sa biyahe kahit Sabado't Linggo lang kami dun. Ginawang Cubao lang ang biyahe. May pasok kasi ako ngayon. Pero sa susunod, tatagalan na namin ng konti ang pagliliwaliw dito.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...